Sinuspende muna ni San Fernnando Mayor Salem Tansingco ang pagpapatupad sa ordinansang nag-uutos na itaas ang pamasahe ng mga tricycle na bumabiyahe sa bayan ng San Fernando kasunod ng pag-angal ng mga residente ng bayan sa nasabing ordinansa.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Tansingco nitong Martes, sinabi nitong pag-uusapan nalang muna ng Local Government Unit kasama ang San Fernando Romblon Tricycle Operators, Drivers Association Inc. (SFRTODA), at mga barangay captains at residente ng San Fernando kung karapatdapat ba ang pamasahe na nasasaad sa Ordinance 110: An Ordinance Implementing the Adjusted Tricycle Fare in the Municipality of San Fernando, Romblon.
“Mag-uusap kami sa Martes, titingnan natin kung ano ang mapapag-usapan dito at kung may pagbabago, ilalapit natin ito sa Sangguniang Bayan para pag-aralan at para ma-ammend ang naipasang ordinansa,” ayon kay Mayor Tansingco.
Base sa Ordinance 110, ang pamasahe mula Poblacion patungong Barangay Pili ay papatak ng P7/pasahero, habang pagdating naman sa Brgy. Olango ay magiging P40/pasahero, at P60/pasahero naman sa Barangay Mabulo. P100 kada pasahero naman ang papatakan kung patungo kang Barangay Agtiwa mula Poblacion.
Ayon sa isang netizen na nagpadala ng mensahe sa Romblon News Network, sinabi nitong ‘sobrang pasakit ang ginapasan ng pamuluyo ng Sibuyan, lalo na sa mga estudyante na P10 hanggang P28 ang pamasahe one way’.
Sa darating na Martes gaganapin ang ‘dialogue meeting’ sa San Fernando Covered Court kaugnay sa nasabing ordinansa.