Isinakatuparan kahapon ng Department of Science and Technology (DOST)-Science Education Institute sa pakikipagtulungan ng Provincial Science and Technology (PSTC)-Romblon ang pagbibigay ng scholarship qualifying examination para sa 2019 Undergraduate Scholarship Program na magkasabay na ginanap sa Odiongan at Magdiwang, Romblon.
Kabuuang 269 na mag-aaral ang kumuha ng pagsusulit sa Odiongan National High School at 105 naman sa Magdiwang National High School ang sumailalim sa naturang eksaminasyon.
Ang undergraduate scholarship ng DOST sa ilalim ng Republic Act No. 7687 ay naglalayong makatulong sa pag-aaral ng mga magagaling na estudyanteng papasok ng kolehiyo at kukuha ng kursong may kinalaman sa agham at teknolohiya sa mga unibersidad na kinikilala ng Commission on Higher Education (CHED).
Ito ay taunang ipinatutupad ng DOST at naglalayong makapaglinang ng “high quality human resources” na siyang magpapatupad ng mga inisyatibo ng pamahalaan sa science and technology at research and development.
Ayon sa pamunuan ng DOST-Romblon, kapag nakapasa ang isang estudyante sa qualifying examination, sasailalim ito sa kanilang oryentasyon, manunumpa at pipirma sa kontrata bilang katibayan ng pagiging benepisyaryo ng programa.
Ang kwalipikadong iskolar ay tatanggap ng mga pribilehiyo katulad ng libreng matrikula, iba pang bayarin sa kolehiyo bawat school year, book allowance at buwanang allowance na PhP7,000.
May nakalaan ding allowance na pang-transportasyon para sa mga estudyante na naninirahan sa labas ng lalawigan. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)