Sumailalim kamakailan sa dalawang araw na pagsasanay ng Department of Agriculture (DA)-Mimaropa ukol sa urban agriculture at container gardening ang ilang mga resident eng Odiongan, Romblon.
Ang gawain ay pinangasiwaan ng DA-Mimaropa sa pakikipagtulungan ng LGU sa pamamagitan ng opisina ng Municipal Agriculturist.
Layunin ng aktibidad na turuan ang mga kalahok ng tamang pagtatanim ng gulay, mabigyan ng sapat na impormasyon at diskarte ang mga nakatira sa kabayanan para sa mga bagong sistema ng paghahalaman kahit pa nasa rural o urban areas.
Ayon kay Mayor Trina Firmalo-Fabic, hangad ng lokal na pamahalaan na mapalawak ang kaalaman ng kanyang nasasakupan at mapaangat ang produksiyon o ani sa pagsasaka kung kaya’t suportado nila ang naturang programa.
Dito, tinalakay ni Rene Madriaga, focal person ng programang high value crop and development ang usapin tungkol sa urban agriculture at container gardening na isang alternatibong istilo ng pagtatanim para sa mga lugar na walang sapat na lupaing maaaring pagtaniman.
Itinuro din sa mga kalahok ang wastong paghahalo ng lupa at fertilizer o pataba.
Aniya maaaring mapakinabangan ng mga dumalo ang kanilang natutunan sa seminar sa pagtatanim ng gulay at iba pang halaman sa sariling bakuran upang may mapagkunan ng sariwa at masusutansiyang pagkain.
Nagpasalamat naman si Sangguniang Bayan Member Butchoy Arevalo, chairman ng Committee on Agriculture, sa hakbang ng DA gayundin sa malasakit ng lokal na pamahalaan upang maging matagumpay ang katatapos na pagsasanay. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)