Tiklo sa anti-illegal drug buy-bust operation ng kapulisan ang isang lalaking di umano’y tulak ng iligal na droga sa Barangay Cambajao, Cajidiocan, Romblon.
Kinisa ang operasyon ng mga tauhan Cajidiocan Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Senior Inspector Kim Badillo sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) MIMAROPA.
Kinilala ni PSI Badillo ang suspek na si Bonn Vasquez Menese, 29 anyos, at residente ng parehong Barangay.
Ayon sa spot report ng Cajidiocan Municipal Police Station, nabilhan umano ng puseur buyer si Menese ng isang sachet na may lamang pinaghihinalaang shabu sa halagang P500. Nang positibo itong mabilhan, agad siyang inaresto ng mga tauhan ng Cajidiocan MPS.
Samantala, habang kinakapkapan umano ang suspek ay nakuhaan rin ng dalawa pang sachet na may lamang pinaghihinalaang shabu na may street value na aabot sa P2,500.
Nakakulong na ang suspek sa Cajidiocan Municipal Police Station at nahaharap sa paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerours Drugs Act 2002.