Hinikayat sa pamamagitan ng isang liham ni Our Lady of Remedy Parish Priest Rev. Fr. Guillermo Ramo si Department of Health Secretary Francisco Duque na tingnan ang kalagayan ng ospital sa Sibuyan Island, Romblon at sa karatig nitong mga isla kagaya ng Masbate, Burias, at iba pa.
Sa isang liham na pinadala sa Department of Health nitong July 24, hiniling ni Fr. Ramo sa DOH na bigyan ng magandang ospital ang Sibuyan na binubuo ng Cajidiocan, Magdiwang, at San Fernando kung saan di umano’y may aabot sa 100,000 kataong residente.
Sa ngayon, ang Sibuyan District Hospital na matatagpuan sa Cajidiocan lang ang nag-iisang ospital sa Sibuyan ngunit binaba sa pagiging infirmary ng Department of Health base sa kanilang assesment ng ospital.
Sinabi ni Fr. Ramo na dahil di umano sa kakulangan ng medikal na serbisyo sa isla, maraming mga pasyente rito ang namamatay na at hindi gumagaling sa ospital lalo na umano ang “poorest of the poor” na walang access sa medical care dahil sa kahirapan.
Wala pang pahayag ang Department of Health at ang Provincial Government ng Romblon kaugnay sa nasabing liham ni Fr. Ramo.