Inorganisa ng Romblon Electric Cooperative (ROMELCO) Inc. ang Member Consumers Organizations (MCO) sa tatlong munisipyo sa isla ng Sibuyan kamakailan upang maging kaakibat ng koperatiba sa kanilang mga proyekto at programa.
Ang pagbuo sa MCO ay sinimulan sa bayan ng Magdiwang kasunod sa Cajidiocan at panghuli sa munisipyo ng San Fernando.
Ang mga opisyal ng MCO sa bawat barangay ang magsisilbing “informational channels” ng kooperatiba na pinangalanang BECA o Barangay Electric Consumers Associations na siya ring magpaparating ng kanilang mga hinaing sa electric cooperative at makakaagapay nito sa implementasyon ng mga programa tungkol sa elektripikasyon sa kanilang mga lugar.
Layunin ng pag-organisa ng MCO na mapalakas ang hanay ng mga member consumers upang mas marinig ang kanilang boses para sa pagtulong sa ikakaunlad pa ng mga proyekto ng kooperatiba ng kuryente at mabigyan sila ng kaukulang impormasyons hinggil dito.
Nakatakda namang isagawa ang kanilang panunumpa sa nalalapit na 26th Annual General Membership Assembly sa Municipal Auditorium ng Magdiwang sa darating na Abril 21, 2018 kung saan si National Electrification Administration (NEA) Administrator Edgardo R. Masongsong ang mangunguna sa kanilang panunumpa. (ABM/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)