Isa na ang naitalang namatay dahil sa severe dehydration sanhi ng diarrhea outbreak sa Magdiwang.
Ayon kay Rural Health Unit Officer In Charge Rhapsody Mangao, isang anim na taong gulang na lalaki ang namatay nitong Lunes matapos na sunod-sunod na magsuka.
Hindi umano naisugod agad sa Rural Health Center ang nasabing pasyente kaya hindi nabigyan ng gamot ng mga nurse.
Sa datus ng Rural Health Unit ng Magdiwang, aabot na sa 34 na kaso ng diarrhea ang kanilang naitala sa iba’t ibang barangay sa nasabing bayan nito lamang unang dalawang buwan ng 2018. Noong 2017, aabot naman umano sa 107 na kaso ng diarrhea ang kanilang naitala sa buong bayan.
Sinabi pa ni Mangao na maaring nakukuha ang sakit sa hindi malinis na kapaligiran o di kaya’y sa hindi malinis na iniinum na tubig.
Patuloy naman ang isinasagawang information drive ng Rural Health Unit ng Magdiwang sa mga barangay para maipalam ang mga dapat gawin para maiwasan ang nasabing sakit.
Nag-emergency purchase na rin umano sila ng mga gamot katulad ng cotrimoxazole, paracetamol, intravenous fluids, at metaclopramide.
“Outbreak na siya, kaya nagpurchase na kami ng mga gamot. Hihingi kami ng tulong sa Department of Health kapag sa susunod na buwan ay patuloy paring tataas ang kaso diarrhea dito,” pahayag ni Mangao sa Romblon News Network.