Ipinasara kahapon ng mga pinagsanib na pwersa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Metro Manila Development Authority ang terminal ng Dimple Star Bus sa Quezon City.
Dahil umano ito sa kawalan ng permit ng terminal mula sa City Hall ng Quezon City at kakulangan ng pasilidad.
Paliwanag ng kinatawan ng Dimple Star Bus, may mga plano na umano sila para sa terminal ngunit hindi tinanggap ng City Hall ang kanilang paliwanag.
Aniya, matagal na umano ang plano nila at halos isang taon nang ganyan.
Ayon kay Roselyn Noble ng Dimple Star, unfair umano ito sa Dimple Star kung Dimple Star lang ang kanilang ipapasara.
Paliwanag ni Noble, hindi naman umano mga bus ng dimple star ang mga nakakasagabal sa traffic kundi mga private car.
Ang nasabing terminal ay lugar kung saan sumasakay ang mga pasaherong sumasakay ng RORO bus patungong Romblon at Oriental Mindoro araw-araw.
Patuloy na kinukunan ng Romblon News Network ng pahayag ang Dimple Star Transport kaugnay sa kung saan na pupunta ang mga pasahero para sumakay ng Dimple Star Bus patungong Romblon at Oriental Mindoro.