by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Tuesday, 29 March 2016
Hinihikayat ng Agricultural Training Institute (ATI), Regional Training Center (RTC)-4B ang mga magsasakang taga-Romblon na mag-engage rin sa butterfly production technology at mushroom culture bilang karagdagang hanapbuhay o pagkakakitaan.
Ayon kay Neri S. Fontanilla, resource speaker mula sa ATI MiMaRoPa, may pera sa pag-aalaga ng paru-paro gayundin sa pag-culture ng kabute dahil madaling gawin ito at mabilis na kumita ng pera sa ganitong negosyo.
Kaugnay nito, sumailalim sa tatlong araw na pagsasanay ang tatlumpong Agricultural Extension Workers (AEWs) sa bayan ng Romblon kamakailan kung saan itinuro sa mga ito ang mga proseso ng pag-aalaga ng paru-paro gayundin kung paano gumawa ng mga produkto mula rito.
Kasunod ring tinalakay ni Fontanilla ang mga kaalaman sa produksiyon ng kabute at ibang pamamaraan sa pagpapatubo nito.
Ang mga kalahok ay sumailalim rin sa aktwal na paglikha ng mga novelty items gamit ang materyal na paru-paro at pagproseso ng mga sangkap na gagamitin sa pagtatanim ng kabute.
Matagumpay ang tatlong araw na training-workshop na ginawa ng ATI, RTC-MiMaRoPa sa bayan ng Romblon sapagkat umani ng positibong impresyon mula sa mga dumalong magsasaka.
Nagpasalamat ang mga magsasakang taga-Romblon sa mga kinatawan ng Department of Agriculture, sa pangunguna ng ATI-MiMaRoPa dahil marami silang natutunan sa dinaluhan nilang pagsasanay.