by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Friday, 18 March 2016
Ang Bureau of Fire Protection (BFP)-Romblon ay nagbabalak na mag-organisa ng Kiddie and Junior Fire Marshal sa mga batang mag-aaral sa elementarya.
Layunin nitong maturuan ang mga kabataan kung paano maiwasan ang sunog at maituro ang tamang pag-apula sa apoy.
Sinabi ni SFO4 Rizal M. Mindoro, OIC-Provincial Fire marshal ng Bureau of Fire Protectionn na ang mga bata ay mahina sa panahon ng sunog kaya nais ng kanilang tanggapan na ma-involve ang mga ito sa fire safety at prevention.
Aniya, kanilang pinalalakas ang kampanya sa pag-iwas sa sunog kaya marapat lamang na hanggat nasa murang edad pa lang ang mga bata ay maturuan o mahikayat na ang mga ito sa wastong pag-iwas at pag-apula ng sunog.
Ang Kiddie at Junior Fire Marshals ay isang advocacy program ng BFP para sa mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya sa pakikipagtulungan ng Department of Education kung saan ito ay mayroong iba’t ibang series ng modules ukol sa pagiwas sa sunog.
Umaasa ang BFP na magiging matagumpay ang programang ito sa tulong ng lokal na pamahalaan at mga namumuno sa paaralang kanilang pagdarausan ng pagsasanay.