by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Thursday, 17 December 2015
Tatlong kalalakihan ang patay na ng maisugod sa Romblon District Hospital sa bayan ng Romblon, Romblon matapos na makuryente habang naglilinis sa bubong kanilang bahay ng mga sanga na iniwan ng bagyong Nona.
Nakilala ang mga biktima na sina Dante Austin, 35; Juan Recto 53; at Zalde Recto 31 at pawang mga residente ng Barangay Capalan, Romblon, Romblon. Nangyari ang aksidente pasado alas-8 ngayong umaga.
Ayon sa pamunuan ng Romblon Municipal Police Station, naglilinis umano si Dante Austin nang makaramdam ng ground sa kaniyang bubong at habang pababa ito sumabit umano siya sa sampayan na sa mga oras na iyon ay may kuryente na pala dahil sa nakasabit na live wire.
Nagtangka naman umanong tulungan ng mag-ama na sina Juan Recto at Zalde Recto si Dante Austin at hinila umano nila ang live wire at dahil sa basang-basa sila noong mga oras na iyon dahil sa malakas na ulan kaninang umaga, nakuryente rin sila.
Ayon naman sa pamunuan ng Romblon Electric Cooperative o ROMELCO, kung sakaling may mga live wire na nagkalat sa kanilang lugar, agad umanong tawagan ang kanilang opisina upang kanilang ma respondehan.
Sa hiwalay naman na aksidente, isang pang lalake at residente naman ng Barangay Cajimos, Romblon, Romblon ang nakuryente ngayong umaga habang naglilinis ng tangke ng tubig sa kanilang marble plant ng aksidenteng masagi rin ang live wire.
Nakilala ang biktima na si Corneio Meca, 53 taong gulang.
Ligtas naman si Meca at nagtamo lamang ng 2nd degree burns.
Kasalukuyang nasa Romblon District Hospital ang biktima at nagpapagaling.