Pormal nang ikinasal ang 28 magkasintahan sa isinagawang Kasalang Bayan ng Lokal na Pamahalaan ng San Andres nitong Oktubre 30, 2026 sa bagong Waterfront ng bayan.
Pinangunahan ni Mayor Fernald Rovillos ang programa na naglalayong tulungan ang mga magkaparehang nais gawing legal ang kanilang pagsasama ngunit nahahadlangan ng kakulangan sa oras at pinansiyal na kakayahan.
“Ang layunin nito ay to pave help sa mga nagpa-planong magpakasal ngunit hindi nila magawa dahil sa lack of resources and lack of time,” pahayag ni Rovillos.
Sa kaniyang mensahe sa mga bagong kasal, hinimok niya ang mga ito na panindigan ang mga pangakong binitiwan sa isa't isa sa kabila ng mga pagsubok.
“Make it a point na sigurado kayo. At tandaan ninyo ang mga pangako ninyo. Ano man ang maging problema at gaano man ito kabigat, tandaan ninyo ang mga pangakong binitawan ninyo sa isa’t isa. Lalo ninyong pagtibayin ang inyong pagsasama,” ani ng alkalde.
Hinimok din niya ang mga hindi pa kasal na lumapit sa lokal na pamahalaan upang mabigyan ng tulong sa pagpapakasal.
Nagpasalamat naman si Jonathan Gan, isa sa mga ikinasal, sa programa dahil malaking tulong umano sa mga magkaparehang nais gawing legal ang kanilang pagsasama.
“Ang programa na ito ay malaking tulong para sa mga di pa mag-asawa lalo na sa mga bata, dahil magiging legitimate na sila para magamit nila ang apilyedo ng magulang nila,” ani Gan.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Donna Gacu Madula-Colico, isa sa mga bride, sa pagkakataong maging bahagi ng libreng programa.
“Napaka-bless namin sapagkat naranasan namin itong libreng kasal na handog ng LGU na Kasalang Bayan 2026,” ani Madula-Colico.
Bukod sa libreng kasal, nakatanggap din ang bawat bagong mag-asawa ng tig-isang sako ng bigas.
Samantala, ibinahagi ni Philippine Statistics Authority Romblon Statistical Specialist Bobby Natal ang datos na nagpapakita ng 217 rehistradong kapanganakan sa San Andres mula Enero hanggang Agosto 2026. Sa bilang na ito, 30 ang lehitimo at 187 ang hindi lehitimo. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng legal na katayuan ng pagsasama ng mga magulang, lalo na pagdating sa mga dokumento at paggamit ng apelyido ng mga anak.
Naging bahagi rin ng pagdiriwang ang tradisyonal na paghiwa ng wedding cake at wine toast bilang simbolo ng bagong yugto sa buhay ng 28 mag-asawa.
The Bridge is a campus media partner of Romblon News Network.


























