Nasawi ang isang 67-anyos na tricycle driver matapos bumangga sa isang streetlight habang bumibiyahe sa National Road, Barangay Macalas, Romblon, Romblon, bandang alas-1:50 ng hapon noong Oktubre 28, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station (MPS), patungo ng bayan ang biktima upang bumili ng mga pangangailangang gamit nang mangyari ang insidente.
Ayon sa ulat, nabasag ang windshield ng minamanehong tricycle ng biktima nang ito ay bumangga sa streetlight. Tumama sa leeg ng biktima ang mga piraso ng basag na salamin na kalaunan ay naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
Agad namang isinugod ang biktima sa Romblon District Hospital para sa medikal na atensyon, subalit idineklara siyang Dead on Arrival (DOA) ng attending physician.
Muling pinaalalahanan ng Romblon Police Provincial Office ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho, tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan, at sumunod sa mga umiiral na regulasyon sa lisensya at trapiko upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada at maprotektahan ang buhay ng bawat isa.

























