Pormal nang kinilala ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) si Paulino Regla bilang Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) at regular na miyembro ng Sangguniang Bayan ng Cajidiocan matapos pagkalooban ng Certificate of Affirmation (COA).
Kasama si Regla sa tatlong kinatawan ng grupong Sibuyan Mangyan Tagabukid na pinagkalooban ng sertipikasyon bilang pagkilala sa kanilang tungkuling katawanin ang mga katutubo sa mga lokal na konseho.
Kabilang din sa mga kinilala sina Novie Presaldo ng Barangay Cambajao at Daniel Reaño ng Barangay Lumbang Weste, na itinalaga bilang IPMR at regular na miyembro ng kani-kanilang Sangguniang Barangay.
Bilang mga kinatawan ng Indigenous Peoples (IPs), bahagi ng kanilang mandato ang pagsusulong ng mga karapatan, interes at kapakanan ng mga katutubong pamayanan sa mga talakayan, pagbuo ng mga patakaran at proseso ng pagpapasya sa lokal na pamahalaan.
Sa pamamagitan ng kanilang pagiging bahagi ng mga konseho, magkakaroon ng kinatawan ang mga katutubong pamayanan sa mga usaping may kaugnayan sa kanilang mga karapatan at pangangailangan.


























