Aabot sa 21 mga employee ng Department of Social Welfare and Development MIMMAROPA sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa lalawigan ng Romblon ang pormal na nanumpa bilang mga regular na kawani ng ahensya.
Isinagawa ang mass oath taking ceremony sa Romblon State University (RSU) Hostel Building na pinangunahan ni DSWD MIMAROPA Regional Director Allyp Albert Baybayan.
Sinabi ni Baybayan na kabilang sa mga ito ay ‘yung mga kawani ng ahensya na halos dalawang dekada na sa DSWD ngunit ngayon lamang nabigyan ng pagkakataon na maregular bilang mga kawani ng 4Ps.
Isinagawa ang seremonya nang sabay sabay sa iba’t ibang lalawigan ng MIMAROPA Region kung saan Romblon ang nanguna sa pagsasagawa ng aktibidad. Tinatayang 239 ang mga na-hire sa buong rehiyon.

Ayon kay Baybayan ang panunumpa sa tungkulin ay hindi lamang tungkol sa pag okupa ng isang posisyon o simpleng pangako sa pamahalaan kundi isang mahalagang commitment sa mga pamilyang Pilipino na umaasa sa mga serbisyong panlipunan.
Aniya, ang panunumpa ay isang “solong commitment sa bawat Pilipinong pamilya na ang hinaharap ay depende sa'ting ginagawa.”
Pinaalalahanan din niya ang mga bagong talagang kawani na isabuhay ang tatlong pangunahing gabay sa paglilingkod ng DSWD.
Binigyan din ng pagpupugoy ni Baybayan ang mga kawani ng DSWD sa Romblon dahil sa kanilang dedikasyon sa trabaho at paghahatid ng mga programa at serbisyong panlipunan..


























