Kinilala ng Department of Agriculture–Bureau of Animal Industry (DA-BAI) ang lalawigan ng Romblon at ang bayan ng Santa Maria dahil sa pagpapatupad ng mga programa para sa kalusugan ng hayop at pag-iwas sa pagkalat ng mga sakit.
Iginawad ang mga parangal sa isinagawang Animal Health Congress 2026 sa Luxent Hotel noong Oktubre 29.
Isa ang Romblon sa anim na lalawigan sa bansa na tumanggap ng **Recognition for ASF Recovery and Sustained Surveillance** dahil sa mga hakbang nito sa pagbangon at patuloy na pagbabantay laban sa African Swine Fever (ASF).
Ayon sa Office of the Provincial Veterinarian (OPV), nakamit ang pagkilala kasunod ng pagpapatupad ng disease surveillance at iba pang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng ASF at maprotektahan ang industriya ng paghahayupan sa lalawigan.
Nagpasalamat naman ang OPV sa mga hog raiser, Municipal Agriculture Office, mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang sa sektor ng paghahayupan na nakibahagi sa mga programa laban sa sakit.
Samantala, kinilala rin ang Pamahalaang Bayan ng Santa Maria bilang **Best LGU Rabies Program Implementer** dahil sa pagpapatupad nito ng mga programa para sa pagkontrol at pag-iwas sa rabies.
Kabilang sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan ang pagbabakuna sa mga aso, pagsusulong ng responsableng pag-aalaga ng mga hayop at pagpapatupad ng STOP-R framework.
Ayon sa OPV, ipagpapatuloy ng tanggapan ang pakikipagtulungan sa Pamahalaang Panlalawigan, mga lokal na pamahalaan at iba pang sektor sa pagpapatupad ng mga programa para sa kalusugan ng hayop at pagkontrol sa mga sakit sa lalawigan.

























