Umabot sa 17,630 pamilya sa lalawigan ng Romblon ang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong 2026, batay sa ulat ni DSWD MIMAROPA Regional Director Allyp Albert Baybayan.
Sa isinagawang Kapihan sa PIA Romblon, inilarawan ni Baybayan ang 4Ps bilang pangunahing programa ng ahensya na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga kwalipikadong pamilyang nangangailangan.
Ang 4Ps ay isang conditional cash transfer program na naglalayong makatulong sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga pamilya, partikular sa edukasyon, kalusugan, nutrisyon at iba pang pangunahing gastusin.
Sa pamamagitan ng programa, nagbibigay ang pamahalaan ng cash grants sa mga kwalipikadong benepisyaryo na tumutupad sa mga itinakdang kondisyon, kabilang ang mga kinakailangan kaugnay ng edukasyon at kalusugan ng mga miyembro ng pamilya.


























