Naghain ng resignation letter si Romblon Vice Mayor Mariano Mateo kay Governor Trina Firmalo-Fabic, batay sa impormasyong inilahad sa sesyon ng Sangguniang Bayan ng Romblon.
Batay sa kanyang liham, kalusugan ang tinukoy ni Mateo na dahilan ng kanyang pagbibitiw sa puwesto.
Nabanggit sa sesyon ng konseho ang pagsusumite ni Mateo ng resignation letter sa gobernador, na may supervisory authority sa mga lokal na pamahalaan.
Sa isang viber message sa RNN, sinabi ng gobernador na tinanggap na nito ang resignation ni Mateo.
Nauna nang nahatulan nang pinal si Mateo at walong dating kasama sa Sangguniang Bayan kaugnay ng kasong graft na nag-ugat sa pagbili ng backhoe loader ng pamahalaang bayan noong 2005 nang hindi dumaan sa kinakailangang public bidding.
Naglabas din ang Sandiganbayan ng mga warrant of arrest laban sa kanila.
Hahalili kay Mateo bilang Vice Mayor si SB member Mart Arthur “Macmac” Silverio.


























