Nagtala ang lalawigan ng Romblon ng pinakamataas na poverty incidence sa mga indibidwal sa hanay ng mga probinsya sa MIMAROPA Region noong 2025, sa antas na 20.4 porsiyento, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) MIMAROPA.
Sa poverty incidence naman ng mga pamilya, naitala sa Romblon ang 13.4 porsiyento, pangatlo sa pinakamataas sa mga probinsya sa rehiyon, kasunod ng Occidental Mindoro na may 14.3 porsiyento at Oriental Mindoro na may 14.2 porsiyento.
Batay sa datos na inilahad sa 2025 Official Poverty Statistics Data Dissemination Forum sa Calapan City noong Oktubre 26, mas mataas ang poverty incidence sa Romblon kumpara sa pangkalahatang antas ng MIMAROPA na 16.6 porsiyento para sa mga indibidwal at 11.3 porsiyento para sa mga pamilya.
Sa iba pang bahagi ng rehiyon, nagtala ang Occidental Mindoro ng 20.2 porsiyentong poverty incidence sa mga indibidwal, kasunod ang Oriental Mindoro sa 20.1 porsiyento. Nasa 13.2 porsiyento naman ang Palawan at 8.4 porsiyento ang Marinduque, habang 4.8 porsiyento ang naitala sa Puerto Princesa City.
Binigyang-diin ni PSA MIMAROPA Regional Director Leni Rioflorido ang kahalagahan ng maaasahan at napapanahong estadistika sa pagtukoy sa mga pangangailangan ng mga komunidad at pagpaplano ng mga programang tutugon sa kahirapan.
Ayon sa PSA, mahalaga ang opisyal na datos upang matulungan ang mga ahensya ng pamahalaan at iba pang stakeholder na matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng karagdagang suporta at makabuo ng mga programang magpapalawak sa oportunidad sa kabuhayan at kaunlaran.

























