Tinatayang 6,000 kabahayan sa bayan ng San Fernando, Romblon ang target na makatanggap ng tig-10 kilong bigas sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) Rice Program ng pambansang pamahalaan, ayon kay Mayor Fernando Marin.
Ayon kay Marin, isinasagawa ang pamamahagi sa iba't ibang barangay upang maihatid ang tulong sa mga kwalipikadong sambahayan sa buong bayan.
Nagsimula ang distribusyon sa Barangay España, na siyang unang barangay na nakatanggap ng bigas sa ilalim ng programa. Kabilang din sa mga barangay na napadalhan na ng bigas ang Taclobo at Panangkalan.
Patuloy naman ang pamamahagi sa iba pang mga barangay sa San Fernando, na binubuo ng kabuuang 12 barangay.
Pinondohan ang programa sa pamamagitan ng LGSF sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Layunin nitong magbigay ng karagdagang tulong sa mga sambahayan upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
“Maraming-maraming salamat kay President Bongbong Marcos. Malaking tulong ito sa ating mga kababayan dito sa San Fernando,” pahayag ng alkalde.
Dagdag pa niya, ipinagkatiwala sa mga lokal na punong ehekutibo ang pamamahagi upang matiyak na maihahatid ang tulong sa mga mamamayan sa kani-kanilang barangay.
Binigyang-diin din ni Marin na walang pinipiling kulay sa pulitika ang lokal na pamahalaan sa pamamahagi ng bigas.


























