Sinimulan sa bayan ng Alcantara ang ceremonial vaccination laban sa Human Papillomavirus (HPV) bilang bahagi ng Breast and Cervical Cancer Awareness Campaign sa lalawigan ng Romblon.
Pinangunahan ang aktibidad ng Department of Health (DOH), Provincial Health Office (PHO), at Municipal Health Office (MHO) ng Alcantara, katuwang ang mga kinatawan ng mga health office mula sa iba pang bayan at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon.
Ang HPV vaccination ay bahagi ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga bata laban sa human papillomavirus, na pangunahing sanhi ng cervical cancer o kanser sa kuwelyo ng matris, at maaari ring magdulot ng ilang iba pang uri ng kanser at genital warts.
Kasunod ng seremonya, nakatakdang isagawa ang school-based immunization program sa mga paaralan sa Romblon mula Oktubre hanggang Nobyembre, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) at mga magulang.
Kabilang sa mga bakunang ibibigay nang libre ang measles-rubella (MR), tetanus toxoid, at HPV vaccine, na unang tututok sa mga mag-aaral sa Grade 4 at Grade 5 na pasok sa itinakdang pamantayan para sa pagbabakuna.
Inirerekomenda ang HPV vaccine sa mga batang edad 9 hanggang 14 upang mabigyan sila ng proteksiyon bago pa malantad sa virus.
Sa pamamagitan ng programa, pinalalawak ng mga awtoridad sa kalusugan ang access sa pagbabakuna at isinusulong ang kamalayan ng publiko sa pag-iwas sa cervical cancer.


























