Naglabas ang Sandiganbayan Fourth Division ng mga warrant of arrest laban kay Vice Mayor Mariano Mateo at walong dating konsehal ng bayan ng Romblon matapos maging pinal ang hatol ng Korte Suprema laban sa kanila sa kasong graft kaugnay ng pagbili ng backhoe loader noong 2005.
Kabilang sa mga dating konsehal na saklaw ng mga warrant sina Chris Mazo, Melben Mesana, Francisco Mayor Jr., Bryant Riano, Rafael Riano, Gerry Mijares, Ramon Magallon at Edler Robis.
Kinumpirma ito sa Romblon News Network ng Romblon Police Provincial Office.
Ayon sa mga naunang ulat, nag-ugat ang kaso sa pagbili ng pamahalaang bayan ng isang backhoe loader na nagkakahalaga ng ₱13.95 milyon nang hindi dumaan sa kinakailangang public bidding. Hinatulan ang mga opisyal ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Noong June 9, 2026, tinanggihan nang may finality ng Korte Suprema ang mga mosyon para muling pag-aralan ang kaso at iniutos ang paglalabas ng entry of final judgment. Ayon sa impormasyong ibinigay, naglabas naman ang Sandiganbayan ng mga warrant of arrest noong September 1, 2026.
Mula September 9 ay hindi na nagpapakita sa session sa Sangguniang Bayan si Vice Mayor Mateo.
Inaabangan naman ng mga residente ang pagpapatupad ng Department of Interior and Local Government sa kautusan na nagtatanggal kay Mateo sa puwesto na mag reresulta sa pag-upo ni Councilor Mart Arthur Silverio bilang bise alkalde sa ilalim ng rules of succession.


























