Nanawagan ang mga Sibuyanon na naninirahan sa North America sa pamahalaan ng Pilipinas at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kanselahin nang tuluyan ang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng Altai Resources Philippines, Inc. (ALTAI).
Sa kanilang tatlong araw na pagtitipon sa Niagara, Ontario, Canada mula October 9 hanggang 11, 2026, nagpahayag ang mga delegado ng pagtutol sa malakihang pagmimina sa Sibuyan Island dahil sa posibleng epekto nito sa likas na yaman, biodiversity at kabuhayan ng mga komunidad.
Ayon sa mga kalahok, kailangan ng Sibuyan ng tunay na pag-unlad at pamumuhunan, ngunit hindi umano pagmimina ang angkop na solusyon dahil sa mga panganib nito sa marupok na ecosystem ng isla.
Binigyang-diin ni Dr. Margie Banzuelo-Rio, isang medical professional na nakabase sa Baltimore, Maryland, United States, ang pangangailangang isulong ang kaunlarang nangangalaga sa kalikasan at kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
“Mining has never been a solution towards development. Sibuyan needs a more holistic way of viewing development—one that preserves our natural heritage, uplifts local communities, and secures the future of coming generations rather than sacrificing our home for short-term profit,” ani Banzuelo-Rio.
Sa kanilang joint statement, kinuwestiyon din ng grupo ang pananaw na kailangang umasa sa pagmimina upang makamit ang pag-unlad ng Sibuyan. Iginiit nilang dapat nakabatay sa pagkakasundo ng mga komunidad, ahensya ng pamahalaan at civil society organizations ang mga proyektong pangkaunlaran upang matiyak ang patas at pangmatagalang pakinabang.
Iminungkahi rin ng mga delegado ang pagsusulong ng mga alternatibong kabuhayan tulad ng ecotourism, organikong agrikultura at lokal na entrepreneurship.
Bilang bahagi ng kanilang panawagan, nangako ang grupo na palalawakin pa ang kanilang ugnayan sa North America upang suportahan ang mga environmental defender sa Sibuyan, palaganapin ang kaalaman tungkol sa isyu ng pagmimina at isulong ang mga alternatibong landas sa kaunlaran.


























