Anim na micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Romblon ang tumanggap ngayong taon ng mahigit ₱9.29 milyon halaga ng assistance mula sa Department of Science and Technology (DOST) sa ilalim ng Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP).
Ipinagkaloob ang assistance bilang bahagi ng Handog ng Pangulo 2026 na isinagawa sa Odiongan Covered Court, kung saan pinangunahan nina DOST Secretary Renato Solidum Jr. at DOST-MIMAROPA Regional Director Bernardo Sepeda ang pag-award sa mga benepisyaryo.
Kabilang sa mga sektor na napabilang sa programa ang Information and Communications Technology (ICT), health, metals and engineering, gifts and décor, at housewares.
Ngayong Lunes ay personal ding binisita nina Solidum at Sepeda ang ilang MSME beneficiaries ng DOST sa Odiongan upang makita ang kanilang mga negosyo at ang naging epekto ng mga intervention ng ahensya.
Kabilang sa mga binisita ang El Elohe Barbeque House, Threads & Prints Tailoring Services, Tablas Doctor’s Hospital at Selodio Dental Clinic.
Nagpasalamat ang mga MSME beneficiaries sa mga tulong at intervention ng DOST na nakatulong sa pagpapaunlad ng kanilang mga negosyo. Sa ilalim ng SETUP, nabigyan sila ng access sa financing na walang interes para sa kanilang mga pangangailangan sa negosyo.
Ang SETUP ay programa ng DOST na nagbibigay ng package of assistance sa mga MSME para sa kanilang technological upgrading. Kabilang dito ang access sa angkop na teknolohiya, funding support, training, consultancy at iba pang innovation services.
Sa pamamagitan ng programa, tinutulungan ng DOST ang mga MSME na mapahusay ang kanilang produksyon at operasyon, matugunan ang mga teknolohikal na pangangailangan at mapalakas ang competitiveness ng kanilang mga negosyo.
Layunin ng mga intervention na bigyan ang mga lokal na negosyo ng kakayahang gumamit ng mas angkop na teknolohiya at kagamitan upang mapalawak ang kanilang operasyon at makapaghatid ng mas mahusay na produkto at serbisyo sa mga mamimili.


































Discussion about this post