Namahagi ng groceries at pagkain ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Romblon, katuwang ang Pines Estate Gaming Corporation, sa mga Children in Conflict with the Law (CICL) na nasa pangangalaga ng Bahay Pag-Asa bilang bahagi ng paggunita sa National Day of Charity ngayong Oktubre 30.
Isinagawa ang aktibidad alinsunod sa Presidential Proclamation No. 598, s. 2024, na nagtatakda sa Oktubre 30 ng bawat taon bilang National Day of Charity.
Ayon kay Kristy Fetalver, branch head ng PCSO Romblon, layunin ng kanilang pakikilahok na makapagbahagi ng tulong sa mga kabataan at maitaguyod ang diwa ng pagkakawanggawa.

“Sa pagbibigay ng tulong, napapalakas natin ang diwa ng pagkakaisa at ang paghahatid ng pag-asa. Nandito kami para magbahagi ng munting tulong para sa mga kabataan,” ani Fetalver.
Binigyang-diin din niya na hindi nasusukat sa laki ng naibibigay ang tunay na diwa ng pagkakawanggawa, kundi sa taos-pusong malasakit sa kapwa. Hinikayat niya ang publiko na patuloy na tumulong at maglingkod sa mga nangangailangan, hindi lamang tuwing National Day of Charity.
Nagpasalamat naman si Gobernador Trina Firmalo-Fabic sa PCSO Romblon at Pines Estate Gaming Corporation sa tulong na ibinigay sa mga CICL sa Bahay Pag-Asa. Ang Bahay Pag-Asa ay hawak ng Provincial Social Welfare and Development Office.


























