Binuksan ngayong Setyembre 6 ang Romblon Academic Contest for Excellence (RACE) sa Looc National High School, na dinaluhan ng halos 2,000 mag-aaral at guro mula sa iba't ibang bayan sa lalawigan.
Pinangunahan ang opisyal na pagbubukas ng apat na araw na kompetisyon nina Governor Trina Firmalo-Fabic, Schools Division Superintendent Roger F. Capa, at Looc Mayor Lisette Arboleda.
Kauna-unahan sa kasaysayan ng Schools Division Office (SDO) Romblon ang pagsasagawa ng RACE, kung saan pinag-isa sa iisang malaking kaganapan ang iba't ibang prestihiyosong kompetisyon ng Department of Education (DepEd).
Kabilang sa mga tampok na kompetisyon ang Mind Olympiad, Science and Math Fair, Robotics Competition, Division Schools Press Conference (DSPC), Festival of Talents/Arts, at Alternative Learning System (ALS) Competition.
Layunin ng RACE na magbigay ng malawak na entablado para maipamalas ng mga kabataang Romblomanon ang kanilang angking talino, galing, at malikhaing talento, habang nagsusulong ng kahusayan at positibong kompetisyon sa mga mag-aaral.
Magpapatuloy ang iba't ibang tagisan ng kaalaman, kasanayan at talento hanggang Setyembre 9, kung kailan nakatakdang isagawa ang Gawad Parangal at seremonya ng pagsasara ng programa.



































Discussion about this post