Umabot sa 4,280 kalahok mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon ang nakiisa sa isinagawang “Stride for the Tide: KALASAG-DAGAT Fun Run 2026” nitong April 18, ayon sa Police Regional Office MIMAROPA.
Pinangunahan ni Regional Director PBGEN Jovencio Badua Jr. ang aktibidad na sabay-sabay na isinagawa sa iba’t ibang lugar sa rehiyon, na nilahukan ng mga pulis, kinatawan ng lokal na pamahalaan, civil society groups, at mga miyembro ng komunidad.
Layunin ng fun run na palakasin ang kamalayan ng publiko hinggil sa West Philippine Sea at itaguyod ang partisipasyon ng komunidad sa usapin ng seguridad at katatagan.
Ayon kay Badua, hindi lamang ito isang wellness activity kundi isang paraan upang mahikayat ang publiko na makibahagi sa mga isyung may kinalaman sa soberanya at maritime security.
Ang KALASAG-DAGAT ay isang inisyatiba ng PRO MIMAROPA na naglalayong pag-ugnayin ang operasyon ng kapulisan at ang kamalayan ng publiko, batay sa OPLAN KALASAG-DAGAT na nakatuon sa proteksyon ng mga komunidad sa baybayin at pagpapatibay ng karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.
Isinagawa ang fun run sa mga coastal at island areas sa rehiyon upang maisalin ang mga usapin sa seguridad tungo sa aktibong partisipasyon ng komunidad.
Ayon kay PBGEN Badua, may mahalagang papel ang bawat Pilipino sa pag-unawa at paninindigan sa usapin ng West Philippine Sea, at kahit maliliit na hakbang ay may ambag sa mas malawak na layunin ng bansa.
Tiniyak ng PRO MIMAROPA na ipagpapatuloy ang KALASAG-DAGAT bilang bahagi ng mas pinaigting na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan at komunidad upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa rehiyon.



































Discussion about this post