Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pinipili ng isang maliit na karinderya sa bayan ng Romblon na hindi muna magtaas ng presyo kahit pa unti-unti nang nababawasan ang kanilang kita.
Mahigit walong taon nang naghahain ng lutong ulam ang may-ari ng Menchie and Enteng Karinderya. Sa edad na 54, patuloy na kumakayod si “Nina,” hindi niya tunay na pangalan, upang mapanatiling abot-kaya ang pagkain para sa kanilang mga suki.
“Di pa naman, ganoon pa rin ang presyo ko, pero balak ko rin magtaas, konti lang,” ani niya. “Next week siguro kasi nagtataasan na talaga ang mga bilihin, lalo na sa gas, itlog, at mantika.”
Sa kasalukuyan, nananatiling ₱15 ang presyo ng kanilang kanin, mas mababa kumpara sa ibang karinderya na umaabot na sa ₱20.
Para kay Nina, hindi lamang kita ang iniisip niya sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo.
“Hindi ko naman iniisip na makabawi agad. Basta ang mahalaga, mabayaran ko ang mga utang at may maipambili kami ng pagkain para sa pamilya ko,” paliwanag niya.
Sa halip na bawasan ang serving size, pinipili niyang iayon ang dami ng niluluto sa kaniyang kakayahang pinansyal.
“Pareho pa rin ang serving size. Ngayon, konti na lang ang kita ko. Kung maliit ang budget, kaunti lang din ang niluluto ko. Kung ano ang benta, iyon din ang ipinambibili ko ng panibagong putahe,” aniya.
Aminado rin siyang pinag-iisipan na niyang magtaas ng presyo, ngunit may pag-aalangan siya dahil sa posibilidad na mawalan ng mga suki.
“Para manatili pa rin ang mga customer ko. Yung iba kasi naghahanap ng mas mura,” dagdag niya.
Batid niyang hindi lamang siya ang apektado ng pagtaas ng presyo kundi pati ang kaniyang mga mamimili.
Dahil dito, mas kaunti na rin ang kanilang nabibiling sangkap. Aniya, kung dati ay mas marami ang kayang bilhin, ngayon ay kailangan nang magtipid sa bawat rekado.
Patunay nito ang pagtaas ng presyo ng bawang sa lokal na pamilihan mula ₱120 hanggang ₱130 kada kilo noong nakaraang linggo, na ngayon ay nasa ₱150 hanggang ₱180 na.
Sa likod ng bawat lutong ulam, ayon kay Nina, ay hindi lamang puhunan kundi pati utang na kailangang bayaran araw-araw.
“Ang puhunan ko kasi, utang din. Ganoon talaga sa negosyo, hindi maiiwasan,” wika niya.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, nananatiling hindi tiyak ang kinabukasan ng maliliit na negosyong tulad ng sa kanya.
“Kung tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo, baka hindi na rin kami makapaghanapbuhay. Habang tumataas ang gastos, lalo kaming nalulubog sa utang at hirap makabayad,” ani niya.


































