Inaasahang dadalaw sa lalawigan ng Romblon ang dalawang international cruise ship ngayong darating na summer season na magdadala ng daan-daang banyagang turista sa probinsya.
Sa panayam kay Provincial Tourism Officer Kim Faderon sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon, sinabi nitong nakatakdang dumaong sa bayan ng Romblon ang dalawang cruise ship na MS Amadea at SH Minerva.
Ayon kay Faderon, tinatayang aabot sa humigit-kumulang 500 dayuhang turista ang sakay ng dalawang barko na bibisita sa lalawigan bilang bahagi ng kanilang cruise itinerary sa Pilipinas.
Aniya, inaasahan na makatutulong ang pagdating ng mga cruise ship na ito upang mas mapalakas ang turismo sa Romblon, lalo na ngayong papasok ang peak season ng pagbisita ng mga turista.
Bukod sa pagbibigay ng karagdagang kita sa lokal na ekonomiya, inaasahan ding magkakaroon ng pagkakataon ang mga bisita na makilala ang mga pangunahing destinasyon, kultura, at mga lokal na produkto ng lalawigan.
Patuloy namang naghahanda ang Provincial Tourism Office katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang tourism stakeholders upang matiyak ang maayos na pagtanggap sa mga darating na bisita.


































