Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang magiging pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin ngayong darating na Pasko, ayon sa Malacañang.
Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) at Palace Press Officer Claire Castro na nangako ang DTI na panatilihing matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin at tiyaking tuluy-tuloy ang suplay ng produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay Castro, bahagi ito ng mga hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang matulungan ang mga mamimili sa gitna ng pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na iniuugnay sa nagpapatuloy na tensiyon sa Middle East.
“Ang DTI ay nangako na walang pagtaas itong darating na Pasko sa mga prime commodities, mga basic needs natin. Iyong supply ng fuel ay hindi mapuputol, tuluy-tuloy pa rin,” ani Castro.
Dagdag niya, nagpapatupad ang pamahalaan ng mga hakbang sa Luzon, Visayas at Mindanao upang matiyak na makatatanggap ng suporta ang mga mamamayan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nanawagan din si Castro sa publiko na unawain ang epekto ng mga pandaigdigang pangyayari sa presyo ng langis at makiisa sa mga pagsisikap ng pamahalaan na tugunan ang mga hamong pang-ekonomiya.
Binigyang-diin din niya na walang pangulo ang magnanais na tumaas ang presyo ng langis dahil sa epekto nito sa mga mamimili at sa ekonomiya.
Sa kabila ng pangakong pagpapanatili ng presyo at suplay, mahalagang bantayan ang aktuwal na presyo sa mga pamilihan at ang pagpapatupad ng mga kaukulang hakbang ng DTI upang matiyak na nasusunod ang mga itinakdang presyo ng pangunahing bilihin.


























