Umabot na sa 197 ang kabuuang bilang ng mga Romblomanon na nakumpirmang may human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS), ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DOH).
Batay sa datos ng ahensya, ang bilang ay naitala mula 2007 hanggang Nobyembre 2025.
Sa kabuuang kaso, pinakamarami ang nasa edad 25 hanggang 34 taong gulang na may 98 na naitalang kaso.
Samantala, pinakamarami namang naitala sa hanay ng mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki na may kabuuang 109 na kaso.
Sa rehiyon ng MIMAROPA, umabot sa 2,922 ang kabuuang kaso ng HIV/AIDS mula 1988 hanggang Hunyo 2025. Sa bilang na ito, 500 ang naitalang bagong kaso mula January hanggang November 2025.
Nagbabala ang DOH na nananatiling seryoso ang sitwasyon, lalo na’t karamihan sa mga bagong kaso ay kabilang sa mga kabataang nasa produktibong edad.
Kaugnay nito, nananawagan ang Red Shelter Treatment Hub ng Romblon Provincial Hospital at ang DOH-CHD MIMAROPA sa publiko na magpa-test at magpakonsulta upang maagapan ang pagkalat ng sakit.
Patuloy rin ang pagpapatupad ng mga kampanya para sa mas ligtas na pakikipagtalik at pagpapalawak ng access sa treatment at counseling services para sa mga apektado.


































