Maaaring makatanggap ng hanggang ₱8,000 na tulong-pinansyal ang mga kwalipikadong miyembro ng Social Security System (SSS) na may monthly salary credit (MSC) na ₱10,000 pababa simula Oktubre 30 sa ilalim ng pinalawak na UPLIFT Assistance Program.
Ayon sa SSS, ipamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ayuda sa apat na tranche na tig-₱2,000, na direktang ide-deposito sa mga rehistradong disbursement account ng mga benepisyaryo.
Gayunman, nilinaw ng SSS na hindi awtomatikong nangangahulugang kwalipikado sa programa ang lahat ng miyembrong may MSC na ₱10,000 pababa.
Kabilang sa mga kinakailangan ang pagkakaroon ng hindi bababa sa isang naihulog na kontribusyon sa SSS noong 2025 o 2026 at pagiging kabilang sa 2024 Community-Based Monitoring System database ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Kinakailangan ding nakapag-enroll ang mga miyembro ng wastong disbursement account sa pamamagitan ng SSS Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) sa loob ng itinakdang panahon.
Pinayuhan ang mga miyembro na tingnan ang kanilang My.SSS account para sa opisyal na abiso kung kwalipikado sila sa programa.
Samantala, nakatakdang matanggap sa Nobyembre 6 ng mga kwalipikadong miyembro na kabilang sa MSC na ₱20,000 ang ikatlo at ikaapat na tranche ng UPLIFT assistance na may kabuuang halagang ₱4,000.
Nauna nang naipamahagi ang unang dalawang tranche ngayong taon.
Ayon sa SSS, makatatanggap ng kabuuang ₱8,000 ang mga kwalipikadong benepisyaryong hindi pa nakatatanggap ng anumang tranche, habang ang mga nakatanggap na ng ₱4,000 ay makatatanggap ng natitirang ₱4,000.
Direktang ide-deposito ang mga bayad sa rehistradong disbursement account ng mga benepisyaryo.


























