Pinarangalan bilang Co-Athletes of the Year 2025 ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sina Carlos Yulo at Alex Eala matapos ang kanilang natatanging tagumpay sa kani-kanilang larangan at ang karangalang naibigay nila sa bansa sa nakalipas na taon.
Ang 25-anyos na si Carlos Yulo ay dating nagwagi ng PSA Athlete of the Year Award noong 2024 matapos masungkit ang dalawang gintong medalya sa Paris Summer Olympics. Noong Oktubre 2025, nagdagdag pa siya ng karangalan nang magwagi ng gold medal sa Vault Exercise at bronze medal sa Floor Exercise sa World Artistic Gymnastics Championships na ginanap sa Jakarta, Indonesia. Nauna rito, noong Hunyo 2025, nag-uwi rin si Yulo ng gold medal sa Floor Exercise sa Asian Gymnastics Championships sa Jecheon, South Korea, bukod pa sa tatlong bronze medal sa All-Around, Vault, at Parallel Bars.
Samantala, ang 20-anyos na tennis star na si Alex Eala ay sariwa mula sa kanyang tagumpay sa Thailand SEA Games, kung saan nakuha niya ang kauna-unahang gold medal ng Pilipinas sa tennis matapos ang 26 na taon. Siya rin ang nagsilbing flag bearer ng delegasyon ng Pilipinas, kasama ang volleyball player na si Bryan Bagunas.
Naging kapansin-pansin din ang pag-angat ng karera ni Eala sa international circuit. Matapos magsimula sa mga junior tournaments sa abroad, nakuha niya ang kanyang pinakamalaking break sa Miami Open 2025, kung saan umabot siya sa semifinals matapos talunin ang mga top-ranked players na sina Jelena Ostapenko, Madison Keys, at Iga Swiatek. Dahil dito, umangat ang kanyang world ranking mula No. 140 patungong No. 49, ang pinakamataas sa kanyang karera sa ngayon.
Sa kanyang unang torneo ngayong 2026, ang Auckland Open, nakaabot si Eala sa semifinals sa parehong singles at doubles events. Gayunman, sa kanyang unang Grand Slam appearance sa Australian Open, nabigo siyang mapanatili ang momentum matapos matalo sa first round laban kay Alycia Parks ng Estados Unidos sa iskor na 0–6, 6–3, 6–2.
Ayon kay PSA President Francis Ochoa, sapat ang ipinamalas na husay nina Yulo at Eala upang kilalanin bilang pangunahing atleta ng taon. Aniya, “Their exemplary performances on the international stage, and more importantly, the way they have inspired countless young athletes to chase their own path for greatness, are enough reasons to crown both Alex and Carlos as the year’s top performers in sports.”
Ang PSA Awards Night ay gaganapin sa Diamond Hotel Manila sa Pebrero 16, 2026, matapos ilipat mula sa orihinal na petsang Pebrero 2 dahil sa pagiging fully booked ng venue.
Kasama rin sa mga nominado para sa parangal ang iba pang natatanging Filipino athletes tulad nina swimmer Kyla Sanchez, golfer Miguel Tabuena, at billiards player Chezka Centeno.


































