Matapos ang matagumpay na kampanya ng Gilas Pilipinas sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand, isang hero’s welcome ang ipinagkaloob ng Cajidiocan Local Government Unit (LGU) sa pangunguna ni Mayor Atty. Marvin “Greggy” Ramos kay Gilas Pilipinas center/forward Cedrick Manzano sa kanyang pagbabalik sa bayan ng Cajidiocan, Romblon upang ipagdiwang ang kapaskuhan kasama ang kanyang pamilya.
Bilang pagkilala sa kanyang naging ambag sa national team, nagkaloob din ang lokal na pamahalaan ng P50,000 cash incentive kay Manzano.
Dumalo sa naturang pagtitipon ang mga residente ng Cajidiocan at iba pang bayan sa lalawigan ng Romblon, gayundin ang mga bisita mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at ilang mula sa ibang bansa na nagkataong nasa Sibuyan Island sa panahon ng bakasyon.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagdaos ng heroes welcome ang bayan ng Cajidiocan para sa isang basketball athlete. Ito rin ang unang pagkakataon na may isang tubong Sibuyanon na nakasama sa Philippine delegation sa SEA Games basketball competition. Dahil dito, hindi naitago ng pamilya ni Manzano ang kanilang kasiyahan sa natamong tagumpay ng atleta.
Ayon sa kanyang kapatid na si Carl Manzano, malaking karangalan para sa kanilang pamilya ang naging pagkilala kay Cedrick sa mismong bayan kung saan siya lumaki at nagsimulang maglaro ng basketball. Dagdag pa niya, ito umano ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng kanilang lugar na may isang basketball player na nakasama sa SEA Games at nagwagi ng gintong medalya. Ipinahayag din ng pamilya ang kanilang pasasalamat sa patuloy na suporta ng mga kababayan sa Romblon at binigyang-diin na ang tagumpay na ito ay iniaalay rin nila sa kanilang yumaong ama.
Ang pagkilalang ipinagkaloob kay Cedrick Manzano ay sumasalamin sa suporta ng lokal na pamahalaan sa mga atletang nagdadala ng karangalan sa bayan at lalawigan. Ang kanyang karanasan sa international competition ay nagsisilbing halimbawa sa mga kabataang nagnanais tahakin ang landas ng sports, partikular sa basketball, at magsilbing kinatawan ng bansa sa mga pandaigdigang torneo.




































