Sugatan ang isang magpinsan matapos umanong masaksak ng isang 43-anyos na lalaki dakong alas-12:30 ng hatinggabi nitong December 18 sa Barangay Poblacion, San Jose, Romblon.
Batay sa ulat ng San Jose Municipal Police Station, naganap ang insidente sa isang birthday party sa isang bahay sa lugar.
Dumating umano ang suspek, isang kusinero at residente rin ng Barangay Poblacion, at nagbanta sa isang babae na naroon sa okasyon. Pinakiusapan umano siya ng may-birthday na umuwi na dahil tapos na ang selebrasyon, subalit nagpatuloy pa rin ang suspek sa panlalait.
Nagising umano ang dalawang biktima, isang 17-anyos na menor de edad na estudyante at ang kanyang 20-anyos na pinsan na isang bangkero, at hinarap ang suspek upang pauwiin ito.
Dito na nagkaroon ng komosyon sa harap ng bahay, kung saan bigla umanong nanaksak ang suspek sa dalawang biktima.
Nagtamo ang menor de edad ng maraming saksak sa ibabang bahagi ng likod at mga taga sa leeg at dibdib, habang ang 20-anyos na biktima ay nagtamo ng saksak sa ibabang bahagi ng likod.
Agad na isinugod ng mga kapitbahay ang magpinsan sa San Jose District Hospital para sa agarang lunas.
Naawat naman ng mga residente ang suspek at agad na ipinaalam ang insidente sa pulisya.
Nang dumating ang mga rumespondeng pulis, kusang-loob umanong sumuko ang suspek. Wala namang narekober na patalim sa kanya sa lugar ng insidente.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Jose MPS ang suspek, habang inihahanda na ang kasong frustrated homicide na isasampa laban sa kanya.




































Discussion about this post