Isang 22-anyos na babaeng estudyante ang nasawi habang kritikal ang kalagayan ng kanyang 18-anyos na angkas matapos makabanggaan ng dinadala niyang motorsiklo ang isang truck sa Sitio Highlander, Barangay Capaclan, Romblon, Romblon nitong Miyerkules ng umaga.
Batay sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, patungo sa Barangay Ilauran ang truck at patungong Poblacion naman ang motorsiklo nang magkasalubong ang mga ito sa isang pakurbang bahagi ng kalsada. Dahil sa mabilis na takbo at kurbada ng daan, hindi umano napansin ng rider ang paparating na truck, na nauwi sa salpukan.
Tumilapon sa kalsada ang dalawang sakay ng motorsiklo at nagtamo ng malubhang sugat sa katawan.
Agad silang isinugod sa ospital, ngunit nasawi rin kalaunan sa ospital ang driver na residente ng Barangay Li-o.
Patuloy namang ginagamot at nasa kritikal na kondisyon ang angkas nito.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na walang lisensiya ang babaeng nagmamaneho ng motorsiklo.
Nagpapaalala naman ang mga awtoridad sa mga motorista na maging maingat sa pakurba at madudulas na bahagi ng kalsada, lalo na sa mga lugar na madalas magkaroon ng aksidente.


































