Arestado ang dalawang security guard sa isang construction company matapos silang sampahan ng patong-patong na kaso kaugnay ng umano’y pamemeke ng kanilang Daily Time Record (DTR).
Kinilala ng Romblon Municipal Police Station ang mga suspek sa mga alyas na Ken at Leo, kapwa residente ng Corcuera, Romblon.
Naaresto sila nitong December 9 batay sa mga warrant of arrest na inilabas ng MCTC Corcuera–Concepcion–Banton.
Ayon sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, nahaharap si alyas Ken sa limang bilang ng Falsification by Private Individual and Use of Falsified Documents, habang apat na bilang naman ng kaparehong kaso ang isinampa laban kay alyas Leo.
Nakasulat sa ulat ng pulisya na maaari silang makapagpiyansa ng ₱36,000 bawat bilang ng kaso kung nanaisin nilang makalaya pansamantala.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek at nakatakdang iharap sa korte para sa pag-usad ng kanilang mga kaso.


































