Target ng Department of Science and Technology (DOST) na gamitin ang agham at teknolohiya upang mapaunlad ang mga isla sa bansa matapos ilunsad ang Island Program sa bayan ng San Jose, Romblon nitong Miyerkules, August 20.
Ang Island o Innovative Solutions: Leverage and Advancement for National Development ay naglalayong maglatag ng framework at makabuo ng mga solusyon gamit ang agham at teknolohiya upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga residente sa mga isla.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., ang paglulunsad ng programa sa Romblon ay patunay ng pangako ng pamahalaan na ipadama ang agham at teknolohiya kahit sa pinakamalayong komunidad.
“A wake-up call that these challenges should not define our limits but rather inspire solutions,” pahayag ni Solidum.
Bahagi ng programa ang technology workshop na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, non-government organizations, akademya, at mga tauhan ng DOST.
Bilang paunang tulong, inilunsad na ng DOST ang ilang intervention sa San Jose tulad ng paglalagay ng potable water pump para sa komunidad ng mga Indigenous Peoples at pagbibigay ng puhunan sa mga asosasyon sa ilalim ng Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP).

Ibinahagi naman ni Governor Trina Firmalo-Fabic ang mga pangunahing hamon ng probinsya na maaring matugunan ng agham at teknolohiya sa tulong ng DOST. Kabilang dito ang kakulangan ng malinis na tubig, pagpapaunlad ng health services, turismo, waste disposal, at disaster risk reduction and management (DRRM).
Inaasahan ng DOST na sa pamamagitan ng Island Program ay mas mapapalakas ang mga isla ng Romblon at iba pang lugar sa bansa sa larangan ng kabuhayan, kalusugan, turismo, at disaster resilience gamit ang makabagong teknolohiya.
Dumalo rin sa paglulunsad sina DOST Undersecretary Engr. Sancho Mabborang, Assistant Secretary Engr. Maria Teresa De Guzman, at DOST-MIMAROPA Regional Director Engr. Jerry Mercado.


































