Mas mapapadali na ang pakikipag-transaksyon sa lokal na pamahalaan ng San Agustin matapos ilunsad kamakailan ang Electronic Local Government Unit (eLGU) system ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Layunin ng eLGU na gawing mas mabilis, mas episyente, at digital ang mga pangunahing serbisyo ng munisipyo, kabilang ang pagpaparehistro ng negosyo, pagkuha ng sedula, pagproseso ng mga permit, at iba pang transaksyong madalas pinipilahan sa munisipyo. Alinsunod ito sa Republic Act 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 na nagtataguyod ng pinaikli at mas malinaw na proseso sa pagbibigay-serbisyo.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni San Agustin Mayor Aaron James Madrona na matagal nang pangarap ng administrasyon na gawing digital ang mga serbisyo ng pamahalaang lokal upang hindi na mahirapan ang mga residente, lalo na iyong nakatira sa malalayong barangay.
Ayon sa alkalde, ang digitalization ay hindi luho kundi isang mahalagang puhunan para sa mas organisado, episyente, at responsableng pamamahala. Aniya, ito ang daan tungo sa isang mas maunlad na San Agustin na handa sa hamon ng makabagong panahon habang patuloy na pinangangalagaan ang kultura at pinagmulan ng komunidad.
Kabilang sa mga serbisyong agad na maa-access sa ilalim ng eLGU ang Business Permit and License Application, Local Civil Registry Services, Community Tax Certificate (Cedula), Real Property Tax Assessment, at marami pang serbisyong ilulunsad sa mga susunod na buwan.


































