Pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ng San Agustin ang pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng publiko sa paggunita ng Undas 2026.
Noong October 19 ay nagpatawag ng pagpupulong si San Agustin Mayor Aaron James Madrona sa mga miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council upang talakayin ang kahandaan sa pagdagsa ng mga bibisita sa mga sementeryo mul October 31 hanggang November 2.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng mga kapulisan ng San Agustin ang publiko na sundin ang mga karaniwang paalala ng pulisya tuwing Undas, kabilang ang pag-iwas sa pagdadala ng matutulis na bagay, alak, at iba pang ipinagbabawal na gamit sa sementeryo, gayundin ang pagsunod sa mga ipatutupad na patakaran sa pagpasok at paglabas ng mga lugar ng pagdalaw.
Pinapayuhan din ng mga pulisya ang mga bibisita na bantayan ang kanilang mga gamit, huwag mag-iwan ng mahahalagang bagay sa loob ng nakaparadang sasakyan, tiyaking nakasara at naka-lock ang mga bahay bago umalis, at panatilihing kasama at nababantayan ang mga bata sa mataong lugar.
Mainam ding alamin ang mga itinalagang paradahan at sundin ang mga tagubilin ng mga awtoridad upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng tao at trapiko.


























