Mahigit 400 residente ng Romblon ang mabibigyan ng pansamantalang hanapbuhay sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) program bilang bahagi ng mga hakbang sa recovery at rehabilitasyon matapos ang pinsalang iniwan ng Bagyong Opong.
Inanunsyo ni Cong. Eleandro Jesus Madrona sa panayam ng PIA Romblon na prayoridad ng programa ang mga pamilyang may matinding pinsala sa kanilang mga tahanan.
“We will also be distributing TUPAD funds to residents with severely damaged houses,” aniya.
Kinumpirma ni DOLE Romblon Officer-in-Charge Karen Bugarin na 413 benepisyaryo ang lalahok sa programa. Tatanggap sila ng ₱430 kada araw o katumbas ng ₱4,300 para sa sampung araw ng trabaho.
Ang pondo na nagkakahalaga ng ₱1.9 milyon ay mula sa congressional allocation ni Madrona.
Kasama sa kanilang gagawin ang clearing operations sa kani-kanilang barangay gaya ng paglilinis ng debris at pagpapanumbalik ng mga pampublikong espasyo. Layunin ng programa na magbigay ng pansamantalang kita sa mga naapektuhan habang tinutulungan din sa pagbangon ang mga komunidad.
Matatandaang iniulat ng PDRRMO Romblon na nasa 1,786 bahay ang tuluyang nawasak at higit 14,000 ang bahagyang nasira sa pananalasa ng bagyo.
Ang TUPAD ay isang community-based assistance program ng DOLE na nagbibigay ng short-term employment para sa mga displaced workers, underemployed, at seasonal workers, na maaaring tumagal ng 10 hanggang 90 araw depende sa uri ng trabaho.
Ang implementasyon nito ay pangungunahan ng DOLE katuwang ang mga local government unit (LGU) sa lalawigan.
Discussion about this post