Idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Romblon ang buong lalawigan sa ilalim ng state of calamity nitong Lunes, Setyembre 29, matapos ang rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) dahil sa matinding pinsalang iniwan ng Bagyong Opong.
Ayon kay Governor Trina Firmalo-Fabic, na siya ring chairperson ng PDRRMC, magbibigay-daan ang deklarasyon upang magamit ng pamahalaang panlalawigan at mga lokal na pamahalaan ang kanilang Quick Response Fund (QRF) para sa agarang relief, rehabilitasyon, at recovery efforts, lalo na para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan.
Batay sa ulat ng pamahalaang panlalawigan, aabot sa 11,377 katao o 3,412 pamilya ang lumikas sa mga pansamantalang evacuation centers o tumuloy sa mga kamag-anak noong kasagsagan ng bagyo. Sa huling tala nitong Sabado, Setyembre 27, nasa 3,443 katao pa ang nananatili sa evacuation centers o nakikituloy sa kaanak at kaibigan.
Sa inisyal na assessment, tinatayang 14,114 na bahay ang partially damaged habang 1,786 ang totally destroyed sa 17 bayan ng lalawigan. Nasa 53 silid-aralan din ang napinsala, kung saan 14 dito ang tuluyang nawasak. Ilang kalsada at tulay ang hindi madaanan dahil sa baha at mga nagbagsakang debris.
Malaki rin ang pinsala sa agrikultura na tinatayang umabot sa ₱57,296,275.17, kabilang ang mga pananim na palay, mais, niyog, gulay, at saging sa may 1,008.52 ektaryang sakahan.
Patuloy ang relief operations katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD). “Nakikipag-ugnayan kami sa DSWD para sa agarang pamamahagi ng prepositioned food packs sa mga evacuees at apektadong residente,” ani Fabic.
Kasabay nito, nagpapatuloy ang clearing operations sa ilang lugar, partikular sa mga provincial roads sa Tablas at Romblon, habang inihahanda rin ang transportasyon ng mga suplay patungo sa iba pang isla sa mga susunod na araw.
Nakikipag-ugnayan din ang pamahalaang panlalawigan sa Office of Civil Defense (OCD), DSWD, Philippine Red Cross, at iba pang ahensya para sa dagdag na suporta sa mga apektadong komunidad.
Patuloy rin ang koordinasyon sa mga electric cooperative upang agad na maibalik ang suplay ng kuryente.
Discussion about this post