Tiniyak ng Romblon Police Provincial Office (PPO) na nakahanda ang kanilang hanay upang masiguro ang maayos, mapayapa, at ayon sa batas na pagsasagawa ng mga nakatakdang rally at public assemblies sa bayan ng Romblon at Odiongan sa darating na Setyembre 21.
Ayon kay PCOL Sawi, Provincial Director ng Romblon PPO, ang kanilang gagampanan ay nakabatay sa Konstitusyon ng Pilipinas na naggagarantiya sa karapatan ng bawat mamamayan sa malayang pagpapahayag, mapayapang pagtitipon, at paghahain ng karaingan.
“Our duty is to strike a balance between maintaining public order and respecting the constitutional rights of every citizen. We are committed to ensuring that all rallies are conducted peacefully, without interference so long as they remain within the bounds of the law,” pahayag ni PCOL Sawi.
Magpapakalat ng mga yunit ng pulisya upang magbigay ng seguridad, tumulong sa pamamahala ng trapiko, at tumugon sakaling magkaroon ng banta sa kaligtasan ng publiko. Hinimok din ng PPO ang mga organizer ng rally na makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad upang maging maayos at organisado ang kanilang pagtitipon.
Binigyang-diin ng Romblon PPO na mananatili silang katuwang sa pagsusulong ng demokrasya at patuloy na susuporta sa mga paraan ng malayang pagpapahayag, kasabay ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan ng buong komunidad.
Ang mga nakatakdang pagtitipon sa Setyembre 21 ay gaganapin sa bayan ng Romblon at Odiongan.
Discussion about this post