Nakatakdang magsagawa ng anti-corruption rally sa bayan ng Romblon sa Setyembre 21, kasabay ng ika-52 anibersaryo ng pagdedeklara ng Martial Law, bilang pakikiisa sa panawagan ng bayan laban sa katiwalian sa pamahalaan.
Ipinahayag ni Sangguniang Bayan Member Lyndon Molino sa kanyang opisyal na Facebook page na sisimulan na ang paghahanda para sa naturang pagkilos na layong ipakita ang suporta ng mga Romblomanon sa laban kontra katiwalian, partikular sa isyung kinakaharap ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa umano’y anomalya sa mga proyektong pang-imprastruktura at flood control.
Samantala, isang prayer rally rin ang ikinakasa sa bayan ng Odiongan sa parehong araw.
Ayon sa mga organizers, layunin nitong ipanalangin ang paglilinis ng gobyerno at ang tagumpay ng mga repormang isinusulong upang masigurong mapupunta sa tama at makikinabang ang taumbayan sa pondo ng bayan.
Kaugnay nito, matatandaang kamakailan lamang ay bumuo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na tututok sa imbestigasyon ng mga iregularidad sa flood control projects sa nakalipas na 10 taon. Pinamumunuan ito ni retired Supreme Court Justice Andres Reyes Jr., kasama sina dating DPWH Secretary Rogelio Singson at SGV & Co. managing partner Rossana Fajardo bilang mga miyembro, habang si Baguio City Mayor Benjamin Magalong naman ang naitalagang espesyal na tagapayo at imbestigador.
































