Magkakaroon na ng araw-araw na biyahe ng barko mula Looc, Romblon patungong Caticlan, Aklan matapos aprubahan ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang bagong ruta para sa lalawigan.
Ito ang ibinahagi ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” Madrona sa isang panayam ng ABS-CBN News nitong Sabado, Setyembre 6.
Ayon kay Madrona, nakipagpulong na siya kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez kaugnay sa usapin, at dito kinumpirmang binigyan ng MARINA ng dagdag na ruta ang Romblon.
“Meaning to say, can take a flight to Caticlan and then take a boat to Looc and then that’s it, you’re in my beautiful province,” pahayag ng kongresista.
Samantala, sinabi ni Looc Mayor Lisette Arboleda na wala pang eksaktong petsa para sa paglulunsad ng bagong biyahe. Dagdag nito, malapit nang matapos ang bagong passenger terminal sa Malbog Port na magsisilbing pangunahing gateway papuntang Tablas Island.
Sa pamamagitan ng bagong ruta, mas mapapadali ang pagbisita sa lalawigan dahil hindi na kailangang bumiyahe ng walo hanggang siyam na oras sakay ng RORO mula Batangas Port at Lucena.


































