Isinusulong sa bayan ng Looc, Romblon ang isang ordinansa na magpapahaba sa oras ng mga sayawan at kasiyahan tuwing fiesta hanggang alas-3 ng madaling araw, sa halip na tapusin ito nang mas maaga.
Ayon sa Sangguniang Bayan ng Looc, kasalukuyan nang nasa first reading ang panukalang ordinansa na inihain ni SB Member Jonathan Gaytano.
Sa kanyang pahayag sa isang Facebook live, binigyang-diin niya na ang layunin ng panukala ay mabigyan ng mas mahabang oras ang mga residente para makapagsaya sa mga aktibidad na minsan lamang sa isang taon nagaganap.
Dagdag pa ni Gaytano, makakatulong din ang ordinansa upang mapasigla ang lokal na ekonomiya, partikular ang mga negosyante at sektor ng turismo na umaasa sa dagdag na kita tuwing may malalaking pagtitipon.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na hindi sakop ng pagpapalawig na ito ang mga menor de edad, dahil umiiral pa rin ang ordinansa ng bayan hinggil sa curfew para sa kabataan.
Ipinunto rin ni Gaytano na mananatili ang kapangyarihan ng mga organizer at ng lokal na pamahalaan na ipahinto ang anumang kasiyahan kung kinakailangan, lalo na kung may gulo o nakaambang panganib dulot ng masamang panahon.
Sa huli, sinabi ni Gaytano na kung maisasabatas, magiging gabay ang ordinansa sa mas maayos at ligtas na pagdaraos ng mga fiesta activities habang sabay na itinataguyod ang kasayahan at kaayusan sa komunidad.
Ang nasabing ordinansa ay kasamang inakda din nina Councilor Atty.Brenda Victoriano at Councilor Adrian Gaytano.


































