Nasabat ng mga tauhan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) at San Andres Municipal Police Station ang 22 piraso ng pinutol na kahoy ng mahogany sa Barangay Victoria, San Andres, nitong umaga ng Hulyo 7.
Batay sa ulat ng pulisya, ang mga kahoy ay iniwan sa isang bahagi ng lugar at wala umanong umaangking may-ari. Tinatayang may kabuuang sukat itong 121.33 board feet at nagkakahalaga ng mahigit P7,000.
Sinubukan ng mga awtoridad na tukuyin ang pinagmulan o nagmamay-ari ng mga kahoy ngunit nabigo sila sa kanilang paunang imbestigasyon.
Dinala na ang mga nasabat na kahoy sa San Andres Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon. Patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad para matukoy ang responsable sa iligal na pagputol at pag-iimbak ng mga kahoy.


































