Hinimok ng PNP San Andres Municipal Police Station ang mga magulang na paigtingin ang paggabay at pagbabantay sa kanilang mga anak upang maiwasan ang pagkakasangkot sa krimen at mga aksidente sa kalsada.
Sa isang aktibidad na dinaluhan ni Major Nanette Pablico, hepe ng San Andres MPS, sinabi nitong may mga naitatalang krimen sa bayan na kinasasangkutan ng mga kabataan. Kabilang dito ang mga menor de edad na nagmamaneho nang walang lisensya at hindi nagsusuot ng helmet.
Ayon sa pulisya, may mga pagkakataon ding inuutusan umano ng mga magulang ang mga menor de edad na magmaneho upang bumili ng alak o sigarilyo.
Binigyang-diin ng mga awtoridad na nagsisimula sa tahanan ang kaligtasan ng mga bata at mahalaga ang papel ng mga magulang sa paggabay sa kanila.
Hinimok din ang publiko na sumunod sa mga batas trapiko, kabilang ang pagsusuot ng tamang helmet, upang mabawasan ang panganib ng malubhang pinsala sa mga aksidente sa kalsada.


























