Sa nagdaang mga halalan sa Pilipinas, isang mahalagang obserbasyon ang lumutang—unti-unti nang nagigising ang sambayanang Pilipino sa dating estilo ng mga kandidato na umaasa sa kasikatan at aliw upang makuha ang boto ng masa. Sa halip na plataporma, prinsipyo, at tunay na serbisyo, may ilang kandidato—lalo na yaong galing sa mundo ng showbiz—na tila ginawang entablado ang kampanya: puno ng sayawan, kantahan, at pa-cute na estilo.
Ngunit sa kabila ng mala-concert na mga kampanya, hindi na basta-basta nagpapadala ang mga Pilipino. Nakita natin ito sa resulta ng mga lokal at pambansang halalan—na marami sa mga kilalang personalidad, artista, at mga “viral” na kandidato ay hindi pinalad manalo. Ibig sabihin, hindi sapat ang popularidad, at hindi kayang bilhin ng sayaw o sigaw ang tiwala ng isang botanteng gising at mulat.
Ang kulturang ito ng pagsasayaw sa entablado ay matagal nang bahagi ng kampanyang Pilipino. Lalo na sa mga probinsya at bayan na may limitado ang access sa impormasyon, ginagamit ito ng ilang kandidato bilang taktika upang makuha ang loob ng masa. Ngunit sa pag-usbong ng social media at mas malawak na kaalaman ng taumbayan, mas madali nang masuri kung sino ang tunay na may malasakit, at sino ang may script lang pero walang konkretong plano.
Halimbawa, ilang artista ang tumakbo sa Senado at sa mga lokal na posisyon. Bagama’t may iilan na may maayos na track record at adbokasiya, marami rin ang umaasa sa kasikatan at walang malinaw na karanasan o kaalaman sa pamamahala. Sa kampanya, sayawan dito, pa-selfie doon—ngunit sa oras ng debate o talakayan tungkol sa isyu, wala nang maipakita. Dito nahahalata ng publiko kung sino ang tunay na handang magsilbi, at sino ang kandidato lamang sa pangalan.
Isa pang mahalagang punto: ang taumbayan ngayon ay mas kritikal. Sa kabila ng kahirapan at matinding pangangailangan, hindi na ganoon kadali para sa kandidato na bilhin ang boto gamit ang aliw. Ang mamamayan, lalo na ang kabataan, ay mas mapanuri. Nagbabasa, nanonood, at nagtatanong na sila. Sa tulong ng teknolohiya at mga fact-checking platforms, mabilis nang nalalantad ang mga pekeng pangako, hindi totoo o mababaw na kandidato.
Hindi rin maikakaila na ang pandemya ay may papel sa pagbabagong ito. Nakita ng sambayanan kung sino ang tunay na lider na nagtrabaho at kumilos noong panahon ng krisis. Hindi mahalaga kung artista o hindi—ang mahalaga ay ang lider na tumulong, nagpakita ng malasakit, at gumampan ng tungkulin sa gitna ng panganib. Hindi ito nakukuha sa pagsasayaw sa entablado, kundi sa konkretong gawa.
Sa kabila ng patuloy na pagsulpot ng mga kandidatong nagpapatawa at nang-aaliw para makuha ang boto, nananatiling pag-asa ang mataas na bilang ng mga Pilipinong hindi na nadadala sa palabas. Ang pagboto ay hindi talent search. Hindi ito pa-contest ng galing sa sayaw, o pa-cute na presentasyon. Ito ay sagradong tungkulin ng bawat Pilipino upang pumili ng mga pinunong tunay na may kakayahan, prinsipyo, at malasakit.
Ang kampanya ay hindi dapat maging palabas. Dapat itong maging plataporma ng tunay na layunin: ang paglingkuran ang bayan. At sa halalan, ang boto ay dapat ibigay hindi sa pinakamasayang performer, kundi sa kandidatong may puso, isip, at tapang para sa tunay na pagbabago.
Sa mga kandidatong patuloy na umaasa sa aliw at kasikatan: panahon na upang kayo'y manindigan sa totoong serbisyo. At sa mga botanteng Pilipino: salamat at patuloy ninyong pinatutunayan na ang boto ay hindi nabibili, at ang tiwala ay para lamang sa karapat-dapat.
Mukha ngang ang Pilipinas ay gumigising na. Hindi na sayaw, kapogian o kagandahan ang batayan ng boto, kundi ang totoong kahusayan, katapatan, at malasakit sa bayan.


































