Awtomatikong babawiin ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng mga motorista na mahuhuling nagmamaneho nang lasing, may impluwensiya ng droga. gayundin ang mga driver na masasangkot sa aksidente dahil sa pagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alak, simula Nobyembre 15.
Bahagi ito ng mga hakbang ng ahensya upang disiplinahin ang mga motorista at mapalakas ang kaligtasan sa kalsada. Kasabay nito, tiniyak ng LTO sa ilalim ng pamumuno ni Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na mahigpit ding ipatutupad ang tamang proseso ng panghuhuli sa mga driver.
Alinsunod sa Republic Act (RA) No. 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, naglabas ang LTO ng Memorandum No. MVL-2026-242 na nag-aatas sa mga deputized law enforcement officers na sundin ang tamang pagkakasunod-sunod ng pagsusuri bago arestuhin ang mga pinaghihinalaang lumalabag.
Ayon sa memorandum, kailangang sumailalim muna ang driver sa Field Sobriety Test. Kapag bumagsak dito, saka isasagawa ang pagsusuri gamit ang awtorisadong Alcohol Breath Analyzer (ABA) upang masukat ang antas ng alkohol sa katawan. Hindi maaaring gamitin ang breath analyzer bilang unang pagsusuri o nag-iisang batayan ng paunang screening.
Binigyang-diin din ng LTO ang hiwalay na kapangyarihan ng Assistant Secretary sa ilalim ng Section 27(a) ng RA No. 4136 na bawiin ang lisensiya ng mga driver na inirekomenda ng Law Enforcement Service (LES) para sa kaukulang aksyon, kabilang ang mga hindi pumasa sa ABA, kung mapatunayang Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Dahil dito, inaatasan ang LES na isumite sa Intelligence and Investigation Division (IID) ang mga record ng bawat panghuhuli, kabilang ang mga kasong tumanggi ang driver na sumailalim sa pagsusuri, upang mabigyan ng kaukulang pagsusuri at aksyon.
“Gusto nating matiyak na walang driver na makapagmaneho nang lasing o nasa impluwensiya ng droga nang hindi napapanagot sa batas. Pero mahalaga ring tama ang proseso ng panghuhuli dahil ang pagpapatupad ng batas ay dapat mahigpit, maayos, at walang pagkukulang,” pahayag ni Asec. Lacanilao.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, layunin ng LTO na matiyak na napapanagot ang mga lumalabag habang nasusunod ang wastong proseso ng pagpapatupad ng batas.

























